-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) Dagupan sa publiko ukol sa patuloy na paglaganap ng online scams ngayong nalalapit na kapaskuhan.

Ayon sa panayam kay Rizaldy Jaymalin, ang Head Agent ng NBI Dagupan, mas nakikita aniya ng mga kawatan ang pagdiriwang ngayon ng kapaskuhan bilang oportunidad na makapanloko ng maraming tao.

Maski umano hindi holiday season ay patuloy ang paglaganap ng ganitong mga gawain ng mga masasamang loob kung kaya’t nagbigay ng payo ang naturang ahensya na kung may mga matatanggap na mensahe o links mula sa hindi kilala o pamilyar na mga numero o accounts ay huwag basta bastang pipindutin o bubuksan.

Mas maigi aniya na i-delete o i-block na lamang ang mga numerong ito kung kahinahinala ang mga natanggap na mensahe.

Dagdag pa ni Jaymalin na maging maingat at mapanuri pagdating sa mga “too good to be true” na mga alok ng hindi kilalang mga tao dahil maituturing umano itong ‘red flag’ upang hindi malagay sa alanganin ang perang pinaghirapan.

Ang kaniya pang payo na agad dumulog sa kanilang tanggapan kung mapagtantong naloko upang kanila itong maimbestigahan.