Hindi kinaya ng NBA defending champion na Milwaukee Bucks ang pag-ulan ng three points mula sa Boston Celtics para mabigo sa hangad na back-to-back championships.
Nagtala ang Boston ng Game 7 record sa playoffs na may 22 three pointers upang umusad sila sa Eastern Conference finals upang harapin ang nag-aantay na top team na Miami Heat.
Inilampaso ng Celtics ang Bucks sa score na 109-81 upang tapusin ang serye sa semifinals game sa harap ng matinding hiyawan ng mga Boston fans.
Nanguna sa opensa ng Celtics si Grant Williams na may career-high na 27 points kasama na ang seven 3-pointers, habang si Jayson Tatum ay nagdagdag ng 23 puntos.
Samantala, muli namang nagpakita ng kanyang all-around superb performance ang Bucks superstar na si Giannis Antetokounmpo, na may 25 points, 20 rebounds at nine assists pero hindi pa rin ito naging sapat upang idiskarel ang diskarte ng Celtics.