Natural causes ang itinuturong dahilan ng Mines and Geosciences Bureau sa nangyaring landslide sa minahan sa Davao de Oro.
Ang tuloy-tuloy na pag-ulan simula Enero, terrain slope, fault lines, at soil composition ang ilang nabanggit na dahilan ni Mines and Geosciences Bureau chief geologist Beverly Brebante.
Binigyang-diin din ni Brebante na walang kinalaman at hindi nagkulang ang minahan sa nangyaring landslide.
Matatandaan na ilang oras pagkatapos ng landslide ay naglabas ng pahayag ang Apex Mining na nasa labas umano ng kanilang minahan ang pinangyarihan ng landslide.
Gayunpaman, hindi kumbinsido rito ang Kalikasan People’s Network for the Environment na nananawagang imbestigahan ang operasyon ng Apex mining upang malaman kung may mga aktibidad itong naging sanhi ng pagguho ng lupa.
Sa huling ulat, hindi pa pinapatawan ng suspensiyon ng Department of Environment and Natural Resources ang Apex Mining subalit sinigurado ni DENR undersecretary Joselin Fragada na pananagutin nila ang kompanya sakaling lumabas sa kanilang imbestigasyon na may pagkukulang ito.