Iniulat ng Bureau of Treasury na umabot na sa P12.76 trilyon ang kabuuang natitirang utang ng national government sa pagtatapos ng Abril mula sa P12.68 trilyon noong nakaraang buwan.
Nasa 0.7 porsyento o P83.40 bilyon ang total na mas mataas dahil sa net issuance ng government securities sa parehong lokal at external lenders at ang pagbaba ng local currency laban sa US dollar.
Mula sa kabuuang stock ng utang, 30 porsyento ang pinanggalingan externally habang 70 porsyento ay mga domestic borrowing.
Ang P8.93 trilyon na domestic debt noong Abril ay 0.8 porsyento na mas mataas kumpara noong Marso habang ang external debt na P3.83 trilyon ay mas mataas ng 0.4 porsyento mula sa nakaraang buwan.
Ang ratio ng utang-sa-GDP ng bansa ay umabot sa 63.5 porsyento noong Marso, na mas mataas kaysa sa pandaigdigang pamantayan na 60 porsyento.
Mula nang maupo sa kapangyarihan, higit na dinoble ni Pangulong Rodrigo Duterte ang utang ng bansa mula sa P5.95 trilyon lamang noong katapusan ng Hunyo 2016.
Ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr ay nahaharap sa responsibilidad na bayaran ang lumulubog na utang ng bansa habang pinapanatili ang isang pinabilis na pagbangon ng ekonomiya.