-- Advertisements --

Inilabas ngayon ng Malacañang ang kopya ng Republic Act 11464 na nagpapalawig sa bisa o validity ng 2019 national budget hanggang sa 2020.

Nakasaad dito ang ginawang pag-amyenda sa Section 65 ng General Appropriations Act of 2019 o RA No. 11260 na nagbibigay pahintulot para sa paglalabas ng kaukulang pondong magagamit sa mga proyekto at programa ng pamahalaan.

Ibig sabihin, ang unobligated funds o hindi nagamit na pondo sa maintenance and other operating expenses (MOOE) na P324.758 billion at P339.53 billion capital outlays sa ilalim ng 2019 national budget ay maaari pang magamit sa susunod na taon.

Obligado lang na magsumite ng ulat ang mga kinauukulang ahensya sa Speaker of the House, Senate President, House Committee on Appropriations gayundin sa Senate Committee on Finance.

Magugunitang nagkaroon ng pagkaantala sa pagkakapasa ng 2019 national budget kaya nabitin ang implementasyon ng mga infrastructure projects ng gobyerno at iba pang basic social services.