Binigyang diin ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na nanatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay tulong sa mga mangingisda ng bansa.
Ayon sa NSC Asst Director General, nagsisilbing prayoridad ng bansa ang matiyak na maayos ang kalagayan ng mga ito, kasama na ang pagtulong sa kanila, lalo na ang mga mangingisda na hirap ding makalapit sa Bajo De Masinloc, malapit sa Zambales.
Pagtitiyak ng opisyal na ginagamit ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang mahatiran ang mga mangingisda ng akmang tulong.
Kasama aniya sa mga regular na inihahatid sa mga mangingisda sa West Phil Sea, na silang palagiang ginigipit ng mga Chinese militia, ay ang mga supply ng pagkain, canned goods, at gasolina.
Bagaman matagal na aniyang ginagawa ito ng Pilipinas, tinitiyak ng opisyal na ipagpapatuloy nila itong gagawin sa likod pa rin ng banta sa WPS, bilang suporta sa mga mangingisda.
Samantala, maliban sa mga mangingisda sa WPS, tiniyak din ng opisyal na tinututukan nila ang kalagayan ng mga mangingisdang nagagawi sa iba pang bahagi ng bansa.