Pumalo na sa 49 ang napaulat na nasawi matapos nadagdagan pa ng isang indibidwal ang naiulat na nasawi dahil sa shear line at walang tigil na pag-ulan.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa latest situational report, iniulat ng NDRRMC na ang 25 fatalities ay mula sa Northern Mindanao; walo mula sa Bicol region; tig apat sa Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region; tatlo mula sa Caraga, at isa sa Mimaropa.
Ayon sa NDRRMC, 16 sa mga nasawi ay kumpirmado habang ang 33 ay patuloy na bina validate.
Nasa 22 indibwal ang naiulat na nawawala habang 16 ang sugatan.
Sa kabilang dako, nasa kabuuang 553,983 katao o nasa 141,115 pamilya ang apektado ng shear line mula sa 959 barangays sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Sa nasabing bilang, 10,147 katao o katumbas ng 3,232 pamilya ang nananatili sa 93 evacuation centers, habang 41,309 ang piniling manatili sa kanilang mga kamag-anak.
Nasa 1,428 katao o 457 pamilya ang inilikas sa Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Caraga.
Samantala, tinatayang nasa P243,029,507.42 ang naitalang pinsala sa agriculture sector.
Ang National Irrigation Administration nakapagtala ng P2,050,000 halaga ng pinsala.
95 infrastructures ang nasira na tinatayang nagkakahalaga ng P1,137,605,000.
Nasa 4,511 kabayahan naman ang nasira kung saan 3,681 dito ay partially damaged at 830 ang totally damaged.