-- Advertisements --
fuel

Matapos ang tatlong linggong sunod-sunod na umento sa presyo ng mga produktong petrolyo, tuloy na ang oil price rollback sa susunod na linggo.

Ayon sa mga energy sources, ang diesel ang mayroong pinakamalaking bawas sa presyo na aabot sa P2.60 hanggang P3 kada litro.

Malaki rin ang bawas sa presyo ng kada litro ng kerosene na naglalaro sa P2.40 hanggang P2.80 kada litro.

Habang ang gasolina ay may rollback na P1.80 hanggang sa P2.20 kada litro.

Ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo ay inaanunsiyo sa araw ng Lunes at ipinatutupad naman sa araw ng Martes.

Una nang sinabi ng Department of Energy (DoE) na ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ay dahil sa takot ng global recession.

Noong nakaraang mga linggo naman ay tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagluwag ng China sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) restrictions at ang pagtaas ng demand ng langis.