-- Advertisements --
PhilHealth 2

Nasa apat hanggang limang milyong miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. ang sumakabilang buhay na ngunit nananatili pa rin sa kanilang database.

Sinabi ni Philhealth chief Emmanuel Ledesma Jr. na ang database ng ahensya ay sumasailalim ngayon sa malawakang paglilinis matapos ma-hack ang kanilang system noong nakaraang mga linggo.

Aniya, kailangan nila ng tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para ayusin ang kanilang database.

Ayon kay Ledesma, batay sa kanilang pagtaya nasa 92 porsiyento ng mga Pilipino ang nakalista sa PhilHealth.

Sinabi ni Ledesma na nakiusap na siya sa DICT at Philippine Statistics Authority na tulungan sila sa paglilinis ng nasabing database upang maayos ang mga impormasyon at mga detalye ng kanilang mga miyembro.

Sa kasalukuyan, ang Philhealth ay naibalik na ang lahat ng kanilang online system matapos na mahack ng Medusa ransomware na nagdulot naman ng data leaked ng mga kanilang mga miyembro.

Una nang nangako ang Philhealth na gagawin nito ang lahat upang maisaayos ang kanilang cybersecurity upang maiwasang maulit pa ang naganap na cyberattack.