Tinatayang nasa 350 hanggang 400 ang bilang ng mga Pilipino sa Morocco na posibleng naapektuhan ng sakuna o ng lindol na tumama sa bansa sa North Africa noong nakaraang linggo, ayon yan sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Department of Migrant Workers officer-in-charge Hans Cacdac na karamihan sa mga Pilipino sa Morocco ay nasa lungsod ng Marrakesh, kung saan ang epicenter ng magnitude 6.8 na lindol ay nasa 72 kilometro timog-kanluran.
Ani Cacdac, ang lindol ay tumama sa gitnang bahagi ng Morocco o timog ng Casablanca at Rabat kung saan naroon ang karamihan sa mga Pilipino. Ang tantiya ay nasa 350 hanggang 400 ang apektadong Pilipino sa gitnang bahaging iyon, o ang Marrakesh area.
Gayunman, nilinaw ni Cacdac na wala pang natatanggap na ulat ang mga awtoridad tungkol sa mga Pilipinong aktwal na naapektuhan ng lindol dahil ang sitwasyon sa Morocco ay binabantayan pa rin ng naturang ahensya, at Department of Foreign Affairs.
Nauna nang sinabi ng Philippine Embassy sa Morocco na walang Pinoy na naiulat na nasaktan o namatay kasunod ng malakas na lindol.