NAGA CITY – Patay ang isang babae habang sugatan naman ang menor de edad nitong anak matapos na pagbabarilin sa Bula, Camarines Sur.
Kinilala ang binawian ng buhay na si Gigi Memes, 37 anyos, habang ang sugatan naman ang 11-anyos nitong anak na babae, parehas residente ng Brgy. Casugad, sa nasabing bayan.
Ayon kay PLt. David Olleres Jr., Deputy Chief of Police ng Bula Municipal Police Station, habang mahimbing na natutulog ang mag-ina sa loob ng kanilang bahay ng pasukin ang mga ito ng hindi pa nakikilalang suspek at bigla na lamang pinagbabaril.
Nadala pa naman sana sa ospital ang mga biktima ngunit binawian na rin ng buhay si Memes habang nagtamo naman ng tama ng bala ng baril sa braso ang anak nito.
Ayon pa kay Olleres, matapos isagawa ang krimen agad namang tumakas an suspek sa hindi pa malamang direksyon.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung mayroon bang nawalang gamit sa loob ng bahay ng mga biktima habang nagpapatuloy rin ang hot pursuit operation laban sa nakatakas na suspek.