Tinutulan ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) ang panukalang muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) elections, na nakatakdang isagawa sa Nobiyemrbe 2.
Ito ay para umano i-realign ang mga pondo para matugunan ang nagpapatuloy na krisis sa langis.
Sa isang pahayag, sinabi ng election watchdog na ang pagpapaliban sa local election ay nagpapakita ng malubhang banta sa mga pundasyon ng demokrasiya ng bansa kayat dapat na agad aniyang ibasura ang naturang panukala.
Ayon pa sa Namfrel, hindi isang “discretionary events” o opsiyonal na kaganapan ang BSKE na dapat ipagpaliban para sa kapakinabangan ng mga nasa kapangyarihan. Kundi, isa itong obligasyon sa konstitusyon at demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino.
Iginiit din ng grupo na ang pag-divert sa mga pondo para sa paghahanda sa local elections sa iba pang serbisyo ng gobyerno ay isang tahasang gawain ng “institutional sabotage.”
Ang pagtanggal aniya ng resources ng Comelec para mapigilan ang halalan ay isang malinaw na paglabag sa batas sa ilalim ng Article VI, Section 25(5) ng Konstitusyon, na nagbabawal sa paglipat ng budgetary funds.
Isa rin aniyang mapanganib na precedent o batayan ang naturang hakbang para sa ehekutibo na paglagpas sa independensiya ng electoral body.
Sa huli, iginiit ng Namfrel na dapat mabigyan ng karapatan ang bawat botante na pumili ng kanilang barangay at SK officials ng regular at nang walang pagkaantala.
Matatandaan, nauna nang ipinagpaliban ang BSKE mula Disyemrbe 1, 2025 patungo sa Nobiyembre 2 sa bisa ng Republic Act No. 12232 para mapagtuunan ang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.













