-- Advertisements --

Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang biktima ng human trafficking na nagpanggap pa na ahente ng International Criminal Police Organization (Interpol).

Ang naturang biktima na isang 34 anyos na babae na hindi na pinangalanan pa para sa security purposes ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakatakda sanang lumipad patungong Thailand kahapon, Marso 8.

Ayon kay Bienvenido Castillo III ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, nagpresenta ang pasahero ng identification card at letter orders mula sa Protective Intelligence Anti-Crime Organization (PIAO) para payagan itong makabiyahe para sa holiday.

Subalit, napansin ng immigration officers ang hindi magkakatugmang salaysay ng pasahero kaya ni-refer ito sa secondary inspection.

Dito na inamin ng biktima na peke ang kaniyang mga dokumento at ibinulgar na ni-recruit lamang siya sa pamamagitan ng FB para magtrabaho bilang household service worker sa Thailand.

Inalok umano siya ng kaniyang recruiter ng P40,000 na sahod bago ibigay ang kaniyang mga dokumento.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang naharang na pasahero para sa paghahain ng mga kaso laban sa kaniyang mga recruiter.