Tukoy na ng Philippine National Police ang source ng nag-viral na pekeng memorandum order ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na lahat ng yunit ng Pambansang Pulisya ay inilagay sa “full red alert status” nang dahil sa umano’y destabilization plot ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo sa isang pahayag na nakilala na ng PNP-Anti Cybercrime Group na tumututok sa imbestigasyon dito ang nagpakalat ng nasabing maling impormasyon sa buong social media.
Ngunit gayunpaman ay binigyang-diin ni Fajardo na hindi muna sila maglalabas ng pangalan at impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng mga salarin dahil kasalukuyan pa aniyang gumugulong ang kanilang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.
Kung maaalala, una rito ay initasan na rin ni PNP chief Azurin ang director ng Police Regional Office 7 na si PBGEN Mafelino Bazar na imbestigahan ang nasabing memo na may petsang January 7, 2023 upang matignan ang mga possible security lapses ng kumalat na pekeng dokumento.