CAGAYAN DE ORO CITY – Kinasuhan ng piskalya ng murder ang 33-anyos na binatang itinuturong pangunahing suspek sa pagpatay sa 25-anyos na babaeng live-in partner ng kanyang kapatid sa Barangay Suarez,Iligan City.
Kinilala ni Iligan City Police Station 2 Commander Maj. Marvin Cajegas ang biktima na si Rosemarie Jacot na tubong-Camiguin Province at nakatira na sa Iligan City, dahil sa kasalukuyang pagiging nurse ng kanyang live-in partner na si Dennis Garces sa lugar.
Sinabi ni Cajegas na nakuha nila ang suspek na si Rommel Garces sa mismong mga kaanak na malapit sa crime scene.
Una nang nagkunwari na mayroong karamdaman ng kanyang pag-iisip ang suspek kaya umano nasaksak-patay ang biktima nang sila lang ang naiiwan sa bahay.
Subalit hindi pinaboran ng piskalya ang depensa ng suspek na ito’y mayroong iniindang karamdaman kaya kinasuhan ng murder at ikinulong sa city jail ng lungsod.
Kasalukuyang nakaburol ang labi ng biktima sa kanyang mga kaanak sa Cagayan de Oro City dahil sobrang higpit na makapasok papuntang Camiguin dahil na rin sa patuloy na banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).