-- Advertisements --
Screenshot 2020 04 22 17 58 22 19

Nagbabala ngayon ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga namemeke ng Presidential Task Force on Moral Recovery (PTFMR) Identification Cards sa kalagitnaan ng kinahaharap ng bansang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Kasunod pa rin ito ng pagkakahuli ng nagbebenta ng pekeng ID’s na si Marvin Q. Cuna na nagpakilalang miyembro ng Presidential Task Force on Moral Recovery (PTFMR) na nasa ilalim ng Office of the President at chairman daw ng PTFMR Biñan City Chapter sa Laguna.

Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric Distor, nag-ugat ang operasyon sa impormasyong nakarating sa kanila na isang indibidwal ang nagbebenta ng PLATFORM identification card sa halagang P1,500 hanggang P2,000 ang isa.

Dagdag ni Distor na ang suspek na si Cuna ay nakuhanan pa ng larawang may suot na umano’y PTFMR ID na mayroong seal ng Republic of the Philippines at seals at logos ng iba’t ibang government agencies, pangalan at signature ng Pangulong Rodrigo Duterte at isang Ema Dela Cruz Danao.

Sinabi ni Distor na base sa impormasyon, nakipag-ugnayan daw ang mga operatiba ng NBI-Laguna District office (NBI-LAGDO) sa informant at nakipag-transact ang mga ito kay Cuna.

Napagkasunduan daw ng mga ito na magkita sa Land Transportation Office (LTO) Office in Biñan City.

Dito na nahuli ang suspek na sasailalim na sa inquest proceedings online sa Biñan, Laguna dahil sa paglabag sa EO 179 na may kaugnayan sa Art. 179 ng Revised Penal Code, Illegal Use of Presidential Seal and Logo, Bayanihan to Heal as One Act or R.A. 11469.