-- Advertisements --

Ikwinento ng nag-iisang survivor sa plane crash sa India kung paano siya milagrong nakalabas mula sa wreckage ng eroplano.

Sa panayam ng local media sa India, inalala ng 40 anyos na British national na si Vishwash Kumar Ramesh na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital, na nang imulat niya ang kaniyang mga mata tumambad sa kaniya ang mga pasahero at flight attendant na wala nang buhay.

Nagawa umano niyang makalabas sa pamamagitan ng puwersang pagbukas sa nasirang emergency exit door na bahagyang nakabukas noon na malapit lamang sa kaniyang kinauupuan sa seat 11A ng Air India Boeing 787 Dreamliner.

Nilinaw din niya na hindi siya tumalon dahil nasa ground na noon ang eroplano kundi naglakad siya palabas ng emergency exit.

Aniya, hindi gaanong malaki ang apoy sa parte ng eroplano kung saan siya nakaupo nang bumagsak ito sa ground subalit nang makalabas na ito mula sa eroplano ay tuluyan na itong sumabog.

Nagtamo naman ng galos si Ramesh sa kaniyang kaliwang braso dahil sa sunog.

Inalala din ni Ramesh na mabilis ang mga nangyari dahil 30 segundo pa lamang matapos magtake-off ang eroplano, nagkaroon ng malakas na ingay saka tuluyang bumagsak ang eroplano.

Si Ramesh ay pabalik na sa United Kingdom kasama ang kaniyang kapatid nang mangyari ang trahediya. Sa kasamaang palad, kabilang ang kaniyang kapatid sa 241 pasahero at crew na nasawi sa insidente.

Samantala ayon kay Dr. Rajnish Patel, ang head ng surgery sa Ahmedabad Civil Hospital kung saan dinala ang survivor sa plane crash, hindi kritikal ang kalagayan ni Ramesh at maaari na siyang ma-discharge sa mga susunod na araw.