Umabot na sa 3,335 ang bilang ng mga indibidwal na naaresto ng pulisya nang dahil pa rin paglabag sa election gun ban.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine National Police (PNP), 3,201 sa mga naaresto ay pawang mga sibilyan, habang nasa 61 naman ang mga security guards, 25 ang mga police personnel, 22 ang mga military personnel, at 26 naman ang mula sa iba’t-ibang mga sektor.
Sa ikinasang 3,127 na mga law enforcement operations ng mga awtoridad simula nang ipatupad ang gun ban ay nasa 1,197 ang bilang ng kanilang nahuli mula sa Metro Manila, 362 sa Calabarzon, 342 sa Central Visayas, 306 sa Central Luzon, at 195 naman sa Western Visayas.
Habang nasa 2,585 na mga firearms naman ang kanilang nasabat, gayundin ang nasa 1,069 na mga bladed weapons, 133 explosives, at 16,330 na mga bala.
Magugunita na noong Enero 9 sinimulan ng PNP ang pagpapatupad ng election gun ban upang maiwasan ang insidente ng karahasan sa panahon ng kampanya at eleksyon na nakatakda namang magtapos sa Hunyo 8, kasabay ng pagwawakas ng panahon ng halalan.