-- Advertisements --
NDRRMC

Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na aabot na sa halos tatlong milyong indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Egay.

Sa pinakahuling situational report na inilabas ng NDRRMC, nasa 781,728 pamilya o 2,930,200 katao sa Luzon at Visayas ang naapektuhan ng Bagyong Egay at habagat.

Ang bilang ng mga lumikas na nananatili sa mga evacuation center ay 57,532 habang 230,507 ang nasa labas ng mga evacuation center.

Nananatili naman ang bilang ng mga namatay na nasa 27 na kung saan dalawa lamang dito ang na-validate – habang ang bilang ng mga nasugatan ay 140 at nawawala sa 13.

Hindi bababa sa 53,358 na mga bahay ang bahagyang nawasak at 2,228 ang malubhang napinsala ng dalawang weather disturbances.

Ayon sa NDRRMC, nakapagbahagi na ang ahensya ng kabuuang P239,221,853 halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya na nasalanta ng sama ng panahon.