ILOILO CITY – Hanggang sa huling araw ng Pebrero tatagal ang lockdown na ipinatupad sa munisipyo ng Miag-ao, Iloilo.
Nabatid na ngayong araw nagsimula ang lockdown sa nasabing lugar matapos nagpositibo sa COVID (Coronavirus Disease) ang tatlong konsehal sa bayan ng Miag-ao.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Miag-ao, Iloilo Mayor Dr. Macario Napulan, sinabi nito na patuloy ang pag-akyat ng kaso ng COVID sa naturang bayan lalo na sa mga empleyado ng munisipyo.
Ayon kay Napulan, idi-disinfect ang buong munisipyo kabilang na ang Municipal Disaster Risk Reduction Management at General Services Office.
Magwo-work from home naman ang regular na mga empleyado ng munisipyo na na-assign sa essential services kagaya ng pagproseso ng importanteng mga dokumento.
Pahayag ni Napulan, nag-ugat ang pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 sa munisipyo simula noong Enero kung saan marami ang mga bumibisita.
Isasailalim sa 14 days home quarantine ang lahat ng empleyado ng munisipyo habang nagpapatuloy pa ang contact tracing.















