BOMBO DAGUPAN – Kinakailangang magkaroon ng makatotohanan at malalimang pag-aaral.
Ito ang naging pahayag ni Raymond Basilio, ang Secretary General ng Alliance of Concerned teacher kaugnay sa mungkahing pagkakaroon ng hiwalay na pag-aaral ng K-to-12 program at paghahain ng resolusyon sa Kamara na nagsusulong ng pagbusisi sa implementasyon ng naturang programa.
Alinsunod ito sa reklamong natatanggap ng ahensya mula sa mga mag-aaral at mga magulang na sinasabing hindi naman daw naging epektibo ang pagpapatupad ng naturang programa bagkos ay mas naging pahirap pa ito sa kanila.
Ayon kay Basilio, kwestyonable rin ang implementasyon ng naturang programa maski sa hanay ng mga guro dahil ang mga pangunahing pangangailangan pa lamang daw ng education sector ay hirap ng mapunan ng gobyerno dumagdag pa ang dalawang taon sa high school.
Dagdag pa nito hindi naman natupad ang pangako ng gobyerno na maaari ng makapagtrabaho ang mga estudyanteng nagsipagtapos ng Senior High School dahil college graduate pa nga lang ay hirap ng makahanap.
Mungkahi naman nito sa pagbibigay ng solusyon ay gawing prayoridad ng saligang batas ang alokasyon sa edukasyon partikular na ang pagbibigay ng anim na porsyento ng gross domestic product ng bansa sa sektor upang matiyak na napupunan ang mga school facilities at mayroong tamang pasweldo sa mga guro.
Ito dapat aniya ang kailangang bigyang pansin ng pamahalaan upang mapalapit ang bansa sa pagkakaroon ng kalidad na edukasyon.
Pinuna rin nito ang responsibilidad na sinasalo ng mga guro dahil may mga pagkakataon na kung may mga pangangailangan sa paaralan ay hinuhugot na nila sa sarili nilang mga bulsa ang pambayad.
Kaugnay nito dahil sa umiikling attention span ng mga estudyante, kinakailangan na ring sumabay ang mga guro sa modernong paraan ng pagtuturo na siyang isa pang binigyang pansin ni Basilio na dapat ay tutukan din ng gobyerno.