-- Advertisements --

5121

Nilinaw ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kombinasyon ng maraming “factors” at hindi lang iisang dahilan ang sanhi ng pagbagsak kamakailan ng C-130 transport plane at Sikorsky S-70i blackhawk helicopter ng Philippine Air Force (PAF).

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala, material, human at environmental factors ang nagresulta sa pagbagsak ng C-130 plane sa Sulu.

Paliwanag ni Zagala, ang kombinasyon ng mga factors na ito ay nagresulta sa “unrecoverable stall” ng eroplano.

Ganun din aniya ang nangyari sa pagbagsak ng Sikorsky S-70i helicopter sa Tarlac.

Base sa imbestigasyon, napunta aniya ang chopper sa thunderstorm, na maaring nakaapekto sa mga instrumento, na sinabayan ng “spacial disorientation” o “vertigo” ng piloto, na nagresulta sa pagbagsak nito.

Giit ni Zagala, ang pakay ng imbestigasyon alinsunod sa “international practice” ay alamin ang naging sanhi ng aksidente at hindi ang maghanap ng masisisi.

Ito ay upang maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente sa hinaharap sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga pagbabago sa mga alituntunin at karagdagang pagsasanay sa mga piloto.