KALIBO, Aklan — Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang muling pagbabalik ng Chinese tourists sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Felix delos Santos ng Malay Municipal Tourism Office na nakipag-ugnayan na sa kanila ang Chinese Embassy sa Pilipinas kaugnay sa pagkakaroon ng direct flight mula China papuntang Kalibo International Airport.
Dahil mas marami pang Chinese tourist ang inaasahang bibisita sa isla sa muling pagbabalik ng leisure travel ng mga ito, sinabi ni delos Santos na inihahanda na rin nila ang mga tourism frontliners gayundin ang mga kinakailangang logistics.
Maliban dito, handa na ang pulisya upang masiguro ang peace and order situation sa Boracay.
Dagdag pa ni delos Santos na malaki ang naging ambag ng China bilang isang major tourism source market sa Boracay lalo na noong bago tumama ang pandemya.
Nabatid na pumapangalawa ang China sa may pinakamaraming turista sa isla kasunod ng South Korea.










