-- Advertisements --
makilala landslide

DAVAO CITY – Nagpalabas na ng kautusan ang local government units ng Davao del Sur ng pansamantala munang ipapasara ang Mt. Apo matapos ang sunod-sunod na mga aftershocks sa lalawigan.

Una nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagpalabas ng kautusan ang LGUs na ipapasara muna ang daan partikular na ang Sta. Cruz, Digos at Bansalan trails paakyat sa Mt. Apo.

Nilinaw ng ahensiya na ang Protected Area Management Board (PAMB) ay hindi nagpalabas ng kahit anumang resolusyon na nagdedeklara sa temporaryong pagpapasara sa Mt. Apo.

Ngunit ang mga concerned LGUs ang nagpalabas mismo ng advisory na kailangan munang itigil o ire-schedule na lamang ang pag-akyat sa Mt. Apo at hintayin ang susunod na kautusan dahil para lamang ito sa kaligtasan ng lahat.

Nabatid na maraming residente na naninirahan sa paanan ng Mt. Apo ang lumikas sa takot na kanilang naranasan makaraan ang sunod-sunod na mga pagyanig.

Samantalang una nang sinabi ni Philippine Volcanology and Seismology (Philvocs) director at DOST Usec. Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo na natural lamang na maranasan ang mga lindol sa Mt. Apo dahil malapit lamang ito sa sentro ng mga pagyanig.

Sa kasalukuyan, wala pa umanong posibilidad na nakikita na maaaring dahilan ng sunod-sunod na mga pagyanig at kinalaman kung sasabog ang bulkan.