Nagpasaring si Sen. Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng panibagong mga kaso ng aberya sa linya ng MRT-3.
Sa isang statement, kinuwestyon ng senadora ang kredebilidad ng mga opisyal na nangakong aayusin ang serbisyo ng isa sa mga pangunahing sinasakyan ng publiko sa Metro Manila.
Ayon kay Poe, malaking pasakit sa mga pasahero ang panaka-nakang aberya sa tren dahil apektado rin ang kanilang kabuhayan, trabaho at eskwela.
Mula kasi sa mahabang pila at siksikan ay hindi na raw patas na makatanggap ng palpak na serbisyo ang mga customer.
Pinuna ni Poe ang tila hindi sapat na tatlong taong rehabilitasyon ng MRT-3.
“Hindi pa ba sapat ang tatlong taon para maisaayos ang problema. Ganitong klaseng serbisyo ba ang patuloy na mararanasan ng mga mananakay ng MRT?,” ani Poe, na chair ng Committee on Public Services.
Ikinumpara pa nito ang programa sa mabilis na pagpapatayo ng pamahalaan sa Mactan, Cebu International Airport.
“Kapag sumasakay tayo sa MRT, nauubos ang ating oras sa pila. Tinitiis natin ang siksikan. Nakikipagsikuhan tayo sa pagsakay. Nakakawala ng dignidad kapag naglalakad tayo sa riles. May pangamba na baka hindi tayo makarating sa paroroonan.”
Batay sa datos ng DOTr, bumaba sa 14 ang unloading incidents ngayong taon mula Enero hanggang Hulyo.
Ito ay lubhang mababa mula sa 333 cases noong 2016 ng parehong mga buwan.










