-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na makabangga sa isang truck sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Dante Medina, 42-anyos, residente ng Zone 2, Tambo, sa nasabing bayan.

Ayon kay PMSgt. Archie Umbria, imbestigador sa Pamplona Municipal Police Station, na habang binabagtas nito ang Maharlika Highway mula sa bayan ng Libmanan patungo sa Pamplona sa nasabing lalawigan kung saan pagdating nito sa nasabing lugar ng nakabangga ito sa truck na minamaneho ni Emmanuel Manto, 33-anyos, residente naman ng Bansalan, Davao Del Sur mula sa kabilang direksyon.

Dagdag pa ng opisyal, nag-overtake umano si Medina sa nasa unahan nitong behikulo ngunit hindi nito napansin ang kasalubong na truck.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad naman sanang dinala sa pagamutan ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Nilinaw naman ni Umbria na wala namang sa ilalim ng impluwensiya ng alak si Medina.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Sa kabilang banda, paalala na lamang ng opisyal sa mga motorista na maging maingat sa lahat ng oras lalong-lalo na kung nasa gitna ng kalsada.