Personal na dinala ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic czar Bong Nebrija ang ayuda o tulong-pinansyal para sa mga kawani ng ahensya na naging biktima ng coronavirus disease.
Sa isang Facebook post, makikita si Nebrija na nag-aabot ng mga pagkain at alcohol sa ilang COVID survivors ng MMDA.
Ginawa raw ni Nebrija ang hakbang na ito hindi lang para tulungan ang kaniyang mga kasamahan ngunit para na rin palakasin ang morale ng mga ito matapos nilang malagpasan ang pagsubok sa kanilang kalusugan.
Ayon pa sa tinaguriang “Eagle Alpha” ng ahensya, aabot ng 41 indibidwal mula sa kaniyang grupo ang dinapuan ng nakamamatay na virus kung saan 32 sa mga ito ang gumaling.
Nakuha na rin aniya ng mga ito ang kanilang health clearance upang makabalik sa tungkulin.
Pumalo ng 200 kawani ng MMDA ang dinapuan ng COVID-19 habang walo sa mga ito ang nasawi.