Magpapakalat ng karagdagang traffic enforcers at Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) na tren para tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero at sasakyan sa pagsasaayos sa ilang bahagi ng EDSA, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng MMDA na nakipagpulong ito sa Department of Transportation (DOTr) para pag-usapan ang paghahanda sa posibleng trapiko sa pagsasaayos sa kahabaan ng EDSA na nagsimula kahapon at inaasahang tatagal hanggang Agosto 9.
Magtatatag ang MMDA ng traffic management plan at magtatalaga ng 650 traffic enforcers para pamahalaan ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at gagabay sa mga apektadong motorista at commuters.
Ayon kay MMDA acting chairman Romando Artes, ang mga motorista at commuter na maaapektuhan ay inaasahang sasakay sa mga tren upang maiwasan ang inaasahang pagtaas ng trapiko sa EDSA.
Bukod dito, sinabi ng MMDA na magdadagdag din ang MRT3 ng hindi bababa sa dalawang set ng tren sa peak hours kung kinakailangan.
Pinayuhan din ng MMDA ang mga motorista na dumaan na lamang sa iba pang alternatibong ruta upang makaiwas sa bigat ng daloy ng trapiko.