-- Advertisements --

Magtatalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng humigit-kumulang 2,000 tauhan para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gaganapin sa National Museum sa Hunyo 30.

Sinabi ni MMDA chairman Romando Artes, ang 2,000 tauhan ay magmumula sa Traffic Discipline Office ng MMDA, sa Metro Public Safety Office, at sa Sidewalk Clearing Operations Group para sa traffic management, clearing operations, at emergency response.

Ang nasabing mga bilang ay kasama sa mahigit 15,000 personnel na itatalaga sa event na inihayag ng National Capital Region Police Office.

Inaasahang dadalo sa inagurasyon ang mga papasok na miyembro ng Gabinete, diplomat, mambabatas, miyembro ng Hudikatura, internasyonal at lokal na media, at iba pang panauhin.

Samantala, ang MMDA ay magpapatupad din ng mga pagsasara ng kalsada at mga plano sa pag-rerouting ng trapiko sa paligid ng National Museum, Manila City, at iba pang lugar kung saan gaganapin ang mga kaganapan kaugnay ng panunumpa ni Marcos bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.

-- Advertisement --

Ang iskedyul ng mga pagsasara ng kalsada at mga alternatibong ruta ay inihayag sa social media ng MMDA.