Nagbigay ng kasiyahan sa pageant fans si MJ Lastimosa nang muling balikan ang kanyang iconic Miss Universe 2014 look sa Binibining Pilipinas 2025 grand coronation night nitong Linggo, kung saan siya ang naging host.
Labing-isang taon matapos ang kanyang Miss Universe stint, muling nagsuot si Lastimosa ng white lace gown — na may mas seksing disenyo, kabilang ang cut-outs at sheer skirt.
Marami ang nakapansin sa pagkakahawig nito sa kanyang kontrobersyal na evening gown noon na gawa ni Colombian designer Alfredo Barraza.
Hindi tiyak kung ang bagong gown ay gawa rin ni Barraza, ngunit kapansin-pansin ang mermaid-style cut at bra-like top, na tila modernong bersyon ng kanyang 2014 look.
Matapos ang pageant, pabirong tinawag ni Lastimosa ang kanyang itsura bilang isang “comeback,” at nag-repost pa ng obserbasyon ng isang fan sa kanyang Facebook page.
Matatandaan na si Lastimosa ay nagtapos sa Top 10 ng Miss Universe 2014, ngunit naging usap-usapan noon ang kanyang gown at national costume na parehong gawa ni Barraza.