-- Advertisements --

Tumanggi ang mga miyembro ng Tau Gamma Phi na dalhin sa ospital ang estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig matapos siyang ma-seizure sa panahon ng hazing rites, ayon sa pahayag ng isang witness sa naganap na hearing sa Senado.

Si Roi Osmond Dela Cruz, isang neophyte na sumailalim sa hazing kasama si Salilig at dalawa pang miyembro ng Tau Gamma, ay ginawa ang testimonya sa imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Ayon kay Dela Cruz, matapos ang kanilang hazing noong Pebrero 18 sa Biñan, Laguna, dinala sila sa bahay ng isang alyas Scotty sa Parañaque City upang magpahinga.

Pagdating nila sa bahay ni Scotty, sinabi ni Dela Cruz na siya at ang dalawa pang miyembro ng Tau Gamma na sumailalim sa welcoming rites ay sinabihan na pumasok sa nasabing bahay.

Si Salilig, gayunpaman, ay nanatili sa loob ng sasakyan.

Sinabi ni Dela Cruz na gusto niyang puntahan ang sasakyan kung saan naroon si Salilig dahil gusto niyang magpahangin pagkatapos ng kanyang ordeal at kalaunan ay nakita niya na si Salilig ay nirerevive.

Ayon kay Biñan Police chief Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia, kabilang sina “Bonez” at “Thugz” sa mga suspek na nakalaya pa rin.

Kaugnay niyan, dumalo sa pagdinig ng Senado ang pitong suspek na sangkot sa pagkamatay ni Salilig, kabilang ang 23-anyos na si Daniel Perry, na umano’y naglibing kay Salilig at siyang master initiator sa proseso ng hazing.

Kung matatandaan, noong Pebrero 28, natagpuan ang bangkay ni Salilig, isang chemical engineering student, sa isang mababaw na libingan sa Imus, Cavite, mahigit isang linggo matapos maiulat na nawawala.