-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagbigay ngayon ng saloobin ang isa sa tatlong kandidata ng Miss Earth 2022 na na disqualify dahil sa height requirement ng nasabing kumpetisyon.

Nakapanayan ng Bombo Radyo Davao ang Miss Earth 2022 Candidate na si Michele Okol.

Salaysay pa ng representante ng Siargao Island, sinukat ng kanyang team ang height na aniya’y konti na lamang ang agwat upang makapasok sa 5’4 height requirement ng beauty pageant.

Subalit, nang sinukat muli ng Miss Earth Organization ang height ng kandidata dalawang araw bago ang anunsyo ng Top 20, hindi na ito kinonsidera ng pamunuan at nagdesisyong i-disqualify na lamang ang kandidata mula sa kumpetisyon.

Sa pagsali sa nasabing beauty pageant, tangan ni Michele ang kanyang mga adbokasiya na sustainable fashion upang matutukan din ang mga isyung pangkapaligiran sa buong mundo lalo pa’t naging apektado ang kanyang tahanang isla sa pananalasa ng bagyong Odette noong huling bahagi ng taong 2021.

Bukod sa sustainable fashion, adbokasiya din ni Michele sa kumpetisyon ang pagtuturo sa mga tahanan at komunidad ng proper waste segregation sa tahanan at komunidad; maging ang women empowerment na magbibigay ng patas na karapatan sa pagpapataas ng antas ng mga kababaihan at pagkakataong sanayin ang iba’t ibang kakayahan ng bawat babae.

Binanggit pa ni Michelle ang kaniyang pagsali sa Miss Universe Philippines noon kung saan naging inclusive ang pageant para sa lahat ng kababaihan, kaya ikinalungkot niya ang pagkadisqualify nito sa Miss Earth dahil lamang sa height requirement.

Nais din ni Michele na kahit papano’y maikonsidera lang ang height requirement sa kahit anong kumpetisyong sasalihan ng mga kandidata.

Nagpapasalamat naman si Michele sa pamilya nya na todo ang suporta na ibinigay kahit humantong sa diskwalipikasyon ang kanyang pagsali sa Miss Earth ngayong taon.

Sa ngayon, wala pa munang plano si Michelle na sumali sa mga beauty pageants, bagkus, itutuon na lang nya ang kanyang sarili sa pag-aaral at paglilinang sa kanyang kakayahan upang maging beauty queen.