-- Advertisements --

Pinapatingnan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad na maipasok ng trabaho ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na posibleng mapauwi galing ng Middle East dahil sa tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nais ni Pangulong Duterte na maipasok ang mga maaapektuhang manggagawang Pilipino sa mga kasalukuyang government projects.

Ayon kay Sec. Panelo, kaya inatasan ni Pangulong Duterte ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na gumawa ng mga kailangang hakbang ay para matiyak na may naghihintay na hanap-buhay sa mga OFWs kung uuwi man ang mga ito sa bansa.

Batay sa data ng Philippine Overseas Employment Administration, nasa 1.2 million mga Pinoy ang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan.

“PRRD likewise directed the appropriate government instrumentalities to prepare for contingencies that will absorb displaced workers to government projects so as to prevent the economic dislocation of their families upon their return,” ani Sec. Panelo.

Una nang itinalaga ni Digong ang anim na miyembro ng gabinete na siyang bubuo ng Special Working Committee kaugnay sa aksyon ng gobyerno sa tensyon sa Middle East.

Ayon kay Panelo, ang nasabing komite ang babalangkas ng plano at hakbang para sa paglilikas ng mga Pilipino mula sa mga apektadong bansa sa Gitnang Silangan.

Sa Cabinet meeting kagabi, kabilang sa mga inatasang bubuo sa omite ang mga kalihim ng Department of National Defense, Department of the Interior and Local Government, Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, at Department of Transportation, gayundin ang National Security Adviser.

Pinapupunta na rin ni Pangulong Duterte sa Middle East si Environment Sec. Roy Cimatu bilang Special Envoy to the Middle East para makipag-ugnayan sa mga gobyerno roon at maihanda ang mga hakbang sa paglilikas sa mga Pilipino.

Inatasan din ni Pangulong Duterte si Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Abdullah Mamao na magpunta ngayong araw sa Iraq at Iran para ipaabot ang kanyang mensahe sa mga gobyerno ng dalawang bansa alang-alang sa kaligtasan ng mga Pilipino roon.