Nangako ang Manila International Airport Authority (MIAA) na makikipagtulungan sa Bureau of Immigration (BI) at Office of Transportation Security (OTS) para maresolba ang problema sa mahabang pila ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport.
Ibinunyag ni MIAA Officer In Charge (OIC) General Manager Bryan Co ang impormasyong ito matapos ang pag-aaral na ang NAIA ay kabilang sa top 10 worst airports sa Asia pagdating sa pagpila ng mga pasahero.
Ayon sa isang international renting firm, ang NAIA ay nagraranggo ng walo sa 10 worst airport sa Asya na nakakuha ng approval rating na 18.11 percent sa mga pasahero sa oras ng pagpila.
Sinabi ni Co na nakipag-coordinate na siya kay Immigration Commissioner Norman Tansingco para resolbahin ang mga isyu tungkol sa mahabang pila ng mga pasahero sa NAIA lalo na ang mga patungo sa international flights.
Sinabi naman ni Tansingco na ang dahilan ng mahabang pila ng mga pasahero sa mga airport counter ay dahil sa limitadong espasyo sa mga terminal.
Sa kabilang banda, pinagtanggol naman ni Office of Transportation spokesperson Kim Marquez ang bagong patakarang ipinatupad nila na nag-aatas sa mga pasahero na tanggalin ang kanilang mga sapatos bilang bahagi ng security policy.
Ang patakaran ay umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko dahil sinabi ng ilan na hindi ito ginagawa sa ibang mga bansa.
Sa ngayon, makikipag-ugnayan ang MIAA sa BI at transportation office upang pag-usapan kung ano ang mga maaaring paraan upang matugunan ang naturang problema sa paliparan.