NAGA CITY – Kinumpirma ng Naga City Police Office (NCPO) na bibigyan nila ng security ang mga witness sa likod ng pamamaslang kay Camarines Sur Security Head at former Jail Warden Jojo Musa.
Sa pagharap sa mga kagawad ng media ni P/Col. Felix Servita, city director ng NCPO, sinabi nitong nakipag-ugnayan na sila sa Civil Security Unit at humingi sila ng tulong para sa seguridad ng mga witness.
Bagama’t nakakulong na aniya ang suspek na si retired Philippine Army Elmer Nelmida, bibigyan pa rin nila ng security ang pamilya ng biktima.
Una nang kinumpirma ni Servita na ikinokonsidera nilang “case closed” na ang krimen dahil sa mga mabibigat na ebidensyang magdidiin sa suspek.
Una rito, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nelmida, pinabulaanan nito ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa krimen.
Nanindigan ito na nasa bahay siya kasama ng kanyang pamilya nang mangyari ang pamamaslang sa dating Jail Warden.