-- Advertisements --

Binibigyan lamang ng 12 oras na palugit ang mga tourism workers na lalabas sa Boracay upang agad na makabalik sa kanilang pinagtatrabahuhang mga resorts, hotels at iba pang establisimiyento sa isla.

Batay ito sa inilabas na Executive Order No. 003, series of 2021 ng Aklan Provincial Government.

Simula noong buwan ng Disyembre nang simulan ang libreng COVID-19 RT-PCR tests sa lahat ng mga nagtatrabaho sa Boracay upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga turistang kanilang makakasalamuha matapos na buksan ang isla sa publiko.

Ang mass testing ay pinangunahan ng Provincial Health Office, Department of Health (DOH) at MHO-Malay.

Hinihikayat rin ang lahat na iwasan muna ang paglabas sa isla kung wala namang mahalagang transaksyon sa mainland lalo na ang mga nag-negatibo sa deadly virus.

Nauna rito ay naglaan ang Department of Tourism (DOT) ng P8 milyong pondo na ibinigay sa provincial government para gamitin sa swab tests ng mga empleyado ng Boracay.