-- Advertisements --

DAVAO CITY – Naghahanda na ang mga supporters ni Davao City Mayor Sara Z. Duterte sa kanilang gagawing aktibidad ngayong araw kasabay ng huling araw sa paghain ng certificate of candidacy (CoC).

Umaasa pa rin ang mga supporters na may mangyayaring milagro ngayong araw at tatanggapin ni Mayor Inday na kakandidato sa mas mataas na posisyon.

Una ng inihayag ni Davao Occidental Governor Claude Bautista, national chairperson sa Ituloy ang Pagbabago Movement (IPM) 2022, na rerespetuhin nila kung ano man ang magiging desisyon ng presidential daughter ngunit nananatili pa rin ang kanilang pag-asa hanggang ngayong araw.

Tiniyak rin ni Bautista na susuportahan nila kung may eendorso na ibang kandidato si Mayor Inday.

Una nito, nanawagan ang kanyang mga supporters na magsuot ng green na t-shirt ngayong araw bilang panawagan sa alkalde.

Palaisipan rin ngayon ang mga kumalat na larawan sa social media kung saan pinailaw ang 3D light sa City Hall of Davao kung saan makikita ang isang agila at may nakapalibut na mga berdeng puno.

May lumalabas rin na mga impormasyon na may isinagawang pagpulong kagabi ang ilang mga opisyal para maghanda umano ngayong araw kung sakaling makapagdesisyon na si Mayor Inday na kakandidato sa mas mataas na posisyon.