-- Advertisements --

Nakahanda ang mga sundalong nakabase sa BRP Sierra Madre sa tuluyang pagpasok ng typhoon season sa bansa, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakahanda rin ang hukbo para sa pagpapadala ng dagdag na assets at supplies sa mga sundalong nakabase sa naturang naval stations kung kakailanganin.

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad (Ret.), regular na binabantayan ng hukbo ang kalagayan ng mga sundalo o naval forces na nakabase sa WPS, habang matatag din ang communication lines na ginagamit ng AFP para imonitor ang kanilang kalagayan.

Sa kabila nito, sinabi ng 2-Star Admiral na hindi gaanong dinadaanan ng bagyo ang WPS o ang kasalukuyang lokasyon ng BRP Sierra Madre kaya’t minimal lamang ang mga bagyong nararanasan ng mga sundalo.

Hindi rin aniya gaanong malalakas ang mga bagyong nararanasan ng mga sundalong nakabase sa naturang naval outpost.

Samantala, tiniyak din ni Trinidad na tuloy-tuloy ang pagdadala ng serbisyo at supplies sa mga navy personnel na nakadeploy sa BRP Sierra Madre sa kabila ng epekto ng typhoon season.

Ayon pa rin kay Admiral Trinidad, sapat ang malalaking barko ng gobyerno ng Pilipinas na maaaring gamitin sa mga rotation and resupply mission at hindi hahayaan ng PH government na hindi madalhan ng supplies ang mga sundalong nakabase sa critical areas tulad ng WPS.