Maaring gamitin ang mga simbahan bilang alternative sites para sa vaccination sa mga malalayo at mahirap na puntahang mga lugar sa bansa dahil sa kakulangan ng pasilidad, ayon kay Health Sec. Francisco Duque III.
Ginawa ni Duque ang naturang pahayag kasabay nang pagtanggap sa alok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na i-convert ang ilang pasilidad ng mga simbahan bilang COVID-19 vaccination sites.
“We are happy with the CBCP’s offer to have churches as vaccination hubs if needed. Churches really can be alternative sites to areas that lack facility, especially those in hard-to-reach municipalities,” ani Duque sa isang statement.
Una rito, inalok ni CBCP president at Davao City Archbishop Romulo Valles ang kanilang church facilities para gamitin sa vaccinatio rollout, na inaasahang magsisimula sa darating na Pebrero.
Ayon sa DOH, nakikipag-ugnayan na sila sa ilang medical at allied health professionals, local government units at iba pang mga sektor para tumulong sa pagsisimula nang vaccine rollout at sa pagpapalakas na rin sa kumpiyansa ng publiko sa pagpapabakuna kontra COVID-19.
Sinabi ng DOH na ang trabaho sa pagbakuna sa ilang milyong Pilipino ay nangangailangan nang tulong mula sa bawat isa.
Iginiit ni Duque na mapapabilis ang pagpapaabot ng aniya’y “most-needed healthcare services” sa tulong nang pag-transform sa mga church facilities bilang vaccination sites.










