Naniniwala ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na natatakot ang mga botanteng bumoto kaya naging mataas ang voter turnout sa isinagawang plebesito para mahati sa dalawang probinsiya ang Maguindanao.
Ayon kay Comelec Chairman Georger Erwin Garcia, sa ipinakita ng mga botanteng interisado sa pagboto ay naniniwala rin itong may tiwala na ang mga tao sa botohan sa bansa.
Una rito, naitala sa plebesito sa Maguindanao ang ikalawang pinakamataas na province-wide voter turnout.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nasa 700,000 na mga botante ang nakilahok dito o 80.84 percent na voter turnout.
Sinabi ni acting poll spokesperson Rex Laudiangco, ang voter turnout sa Maguindanao plebiscite para madetermina kung hahatiin ang probinsiya ng Maguindanao sa dalawa ay ang pinakamataas ngayon at sumunod sa electoral exercise na lumikha ng Compostela Valley mula sa Davao del Norte noong 1998.
Pero, ipinunto ni Laudiangco na ang plebesito sa Maguindanao ay ang most participated-in plebiscite sa probinsiya kung pag-uusapan ang kabuuang bilang ng mga registered voters at total number ng mga botateng bumoto dahil ang Compostela Valley ay nasa mahigit 200,000 lamang.
Base sa official plebiscite municipal canvass of votes na ibinahagi ng Comelec, nasa 712,857 sa 881,790 o 80.84 percent voters ang bumoto sa Maguindanao plebiscite.
Sa data pa ng poll body, ang total number ng “yes” votes para hatiin sa dalawang probinsiya ang Maguindanao ay 707,651 o 99.27 percent habang ang “no” votes ay 5,206 o katumbas lamang ng 0.73 percent.
Sa breakdown kada proposed province, lumalabas na ang Maguindanao del Norte na mayroong 12 munisipalidad ay mayroong 330,345 voters.
Sa naturang bilang, 328,141 dito o 99.33 percent ang bumoto ng yes habang 2,204 o 0.67 percent ang bumoto ng no.
Samantala, ang Maguindanao del Sur namang mayroong 24 municipalities ay mayroong 382,512 voters.
Sa naturang data, 379,510 o 99.22 percent naman ang bumoto ng yes habang 3,002 o 0.78 percent ang bumoto ng no.
Ang datos naman ay subject pa rin ng full official canvass na isasagawa ng Plebiscite Provincial Board of Canvassers.