KALIBO, Aklan —- Pinaalalahanan ni Police Regional Office (PRO-6) regional director Police Brig. Gen. Leo Francisco ang mga pulis sa lalawigan ng Aklan na bawal ang paggamit ng cellphone at pagbababad sa social media habang naka-duty.
Ito ay kasunod ng kanyang ginawang command visit sa Aklan Police Provincial Office (APPO).
Iginiit niya na dapat pumasok ang mga ito sa trabaho sa tamang oras at tutukan ang kanilang trabaho lalo na ang pagpapatupad ng mga ordinansa.
Ayon pa kay Francisco kailangang palakasin rin ang presensya ng mga pulis sa lalawigan upang maging panatag ang mga mamamayan sa kanilang seguridad.
Umapela rin ito sa lahat ng hepe ng mga municipal police stations na palakasin pa ang kanilang mga barangay anti-drug abuse council (BADAC) upang mapaigting pang lalo ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Dapat rin umanong magtrabaho pa ng husto ang pulisya upang masawata ang paglipana ng loose firearms.