-- Advertisements --

Kinumpirma ng PH envoy na ligtas ang mga Pilipino sa Japan kasunod ng tumamang magnitude 6.9 na lindol kahapon (Hunyo 25).

Ayon kay Philippine Ambassador Mylene Garcia Albano, walang Pilipino ang naiulat na nasugatan o nasawi sa kabila ng malakas na lindol at mga sumunod na aftershock.

Patuloy ding binabantayan ng embahada ang mga opisyal na ulat mula sa mga lider ng Filipino Community sa Japan na regular na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa kalagayan ng kanilang mga kababayan.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, nakatutok ang ahensya sa sitwasyon ng mga Pilipino sa naturang bansa upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Tumama ang lindol bandang 7:30 ng umaga oras sa Japan at naitala ang intensity 7 sa Hashikami, Aomori Prefecture.

Bahagya ring naramdaman ang pagyanig sa Tokyo at iba pang matataong lugar sa bansa.