-- Advertisements --
House of Reps Congress

Naihain na sa Kamara ng ilang mga kongresista ang mga panukalang batas para sa reimposition ng death penalty sa bansa bago pa man ito hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nito noong Lunes.

Hulyo 11 nang ihain ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang House Bill No. 2026 na nagpapawalang bisa sa Republic Act No. 9346 o ang batas na nagbabawal sa pagpataw ng parusang kamatayan sa bansa.

Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Barbers na nakakaalarma na ang paglaganap ng karumaldumal na krimen sa bansa kaya nananawagan daw siya sa reimposition ng capital punishment.

Para sa kanya, ito ay “strongest deterrent” na maaring gawin ng bansa laban sa mga karumaldumal na krimen.

“Since the government has the highest interest in preventing heinous crimes, it should use the strongest punishment available to deter unlawful acts – the death penalty,” ani Barbers.

“If criminals guilty of committing heinous crimes are sentenced to death and executed, potential criminals will think twice before committing crimes for fear of losing their own life,” dagdag pa nito.

Samantala, naghain din ng kanilang bersyon ng panukala sina Minority Leader at Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. at Tarlac 2nd District Rep. Victor Yap.

Hangad ng House Bill No. 1588 ni Abante na patawan ng parusang kamatayan ang mga sangkot sa karumaldumal na krimen at pandarambong.

Nauna na nitong sinabi na matagal na niyang sinusuportahan ang reimposition ng death penalty na ipinagbawal sa ilalim ng RA 9346 noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.