Sinamantala ng mga kalahok sa maritime Trilateral Exercise ang pagkakataon para makatulong sa paglilinis ng Manila Bay ngayong weekend.
Magkatuwang ang Philippine Coast Guard (PCG)-Japan Coast Guard (JCG)-United States Coast Guard (USCG) na nagsagawa ng coastal clean up activity sa may bahagi ng dolomite beach.
Nagsilbing guide ang mga tauhan ng Coast Guard Civil Relation Service at sumama naman ang crew ng JCG vessel Akitsushima (PLH 32) at USCGC Stratton sa actual na paghango ng mga basura sa nasabing lugar.
Ang naturang aktibidad ay pinasimulan upang hikayatin ang pakikipagtulungan sa pagitan ng PCG, JCG at USCG upang pasiglahin ang pakikipagkaibigan at sa pagpapanatili ng malinis at ligtas na kapaligiran sa dagat.
Samantala, maliban dito, nasa 50 bata naman ang nakinabang sa gift giving activity ng mga kalahok ng trilateral event para sa National Childrens Hospital sa Quezon City.