-- Advertisements --

Inaasahan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga reaksyo at mapanlinlang na mga pahayag mula sa Chinese Communist Party hinggil sa nalalapit na pagbubukas ng Balikatan Exercises ngayong taon.

Sa isang panayam, sinabi ni AFP Spokesperson for the West Philippine Sea RADM Roy Vincent Trinidad na ang mga naging pahayag ng China ay bahagi ng kanilang ‘deceptive messaging’ upang bigyang suporta ang kanilang mga aksyon at pangangamkam sa mga teritoryong sakop ng West Philippine Sea.

Ani Trinidad, sa bawat pagsasanay, nagiging transparent at malinaw ang hangarin ng hukbong sandatahan na ang mga ito ay bahagi ng modernisasyon sa hanay ng militar at gawing multi-capable ang hukbo sa kahit anumang sitwasyon.

Nilinaw din ni Trinidad na ang mga pagsasanay na ito ay hindi idinisenyo para kontrahin at labanan ang kahit anumang bansa maski ang China at ito aniya ay para sa pagpapalawig pa ng credible deterrence capability ng militar.

Samantala, binigyang diin din ni Trinidad na ang Pilipinas at maging ang mga kaalyadong bansa na makikilahok sa magiging pagsasanay ay hindi kailanman mangangamkam ng mga teritoryong hindi naman sakop ng kanilang soberaniya.

Ito aniya ay para maprotektahan ang Pilipinas, ang pambansang interes nito at maging ang soberaniya nito laban sa mga mapanlinlang na hangarin ng ibang nasyon.