Mas kaunting mga ruta ang naapektuhan ng transport strike na inorganisa ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) sa ikalawang araw nito sa pagpapatupad ng tigil-pasada.
Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang mga apektadong ruta ay bumaba sa dalawa mula sa siyam noong araw ng Lunes.
Ang operasyon ng mga pampublikong mga sasakyan at ang daloy ng mga pasahero ay hindi gaanong naapektuhan ng mga raliyista.
Kamakailan ay iniulat ng LTFRB at ng MMDA na nabigo ang transport strike na maparalisa ang pampublikong transportasyon sa National Capital Region.
Ito ay dahil may libreng sakay na inaalok ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga apektadong ruta.
Nauna rito, sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na ang kanilang hakbang ay para rin iprotesta ang umano’y katiwalian sa LTFRB at Department of Transportation kasunod ng mga isiniwalat ni dating LTFRB executive assistant Jeffrey Tumbado na kalaunan ay pormal na binawi ang kanyang mga pahayag.