Umaaray na ang ilang mamimili sa Pilipinas hinggil sa presyuhan ng mga Noche Buena products sa Pilipinas.
Ito ay kahit na may mahigit tatlong buwan pa bago sumapit ang mismong araw ng Pasko sa bansa.
Sa pag-iikot ng Bombo Radyo Philippines sa Pasay City Public Market ay sinabi ng ilan sa ating mga kababayan na ngayon palang kasi ay nararamdaman na nila ang pagtaas sa presyo ng Noche Buena products na ilan sa mga ito ay pangunahing ginagamit din sa pang araw-araw na buhay nating mga Pilipino.
Ayon kay manong Angelito Dela Cruz, isang mamimili, ngayon palang ay damang-dama na niya ang taas ng bilihin hindi lamang sa Noche Buena products kundi maging sa iba pang pangunahing bilihin.
Aniya, dahil dito ay posibleng bawasan nalang daw nila ang dami ng kanilang ihahanda sa Pasko at magsisimula na rin daw siya agad na mamili ng mga panghanda sa susunod buwan para hindi na niya maabutan pa ang mas mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado.
“Baka siguro mag-umpisa na (mamili ng Noche Buena products) next month. Kasi pagka-November ka pa bibili nako lalong ano yon (mas tumaas pa ang bilihin) kaya mas mabuting agahan nalang ng konti.”, ani manong Angelito.
Sabi naman ng mga tinderang nakapanayam din ng Bombo Radyo, sa ngayon ay matumal pa ang bentahan ng Noche Buena.
Isa sa mga dahilan na kanilang nakikita ay dahil rin sa kakulangan sa budget ng mga mamimili dahil pa rin sa kasalukuyan nang mataas na presyo ng mga bilihin sa bansa.
Anila, sa ngayon tanging mga produktong kinakailangan lamang ng mga mamimili sa kanilang pang araw-araw na buhay ang kanilang binibili dahil bukod sa mahal ay masyado pa rin daw maaga para mamili ng mga panghanda para sa Noche Buena.
“Hindi pa gumagalaw, matumal pa (bentahan) . Siguro kulang sa budget atsaka sobrang taas ng mga bilihin ngayon.” ani Lorena Santiago, isang tindera sa Pasay City Public Market.
Samantala, una rito ay nagbabala na rin Departmet of Trade and Industry (DTI) sa lahat ng ating mga kababayan na posibleng tumaas pa ang presyo ng ilang Noche Buena products batay sa kanilang naging monitoring sa ilang mga pamilihan kung saan ay nakakita sila ng pagtaas na nasa Php 5 hanggang Php 65 sa ilan sa mga ito.
Dahilan kung bakit pinayuhan rin ng kagawaran ang publiko na maaga palang ay mamili na ng kanilang mga panghanda sa Noche Buena dahil sa nakaambang umento sa presyo ng mga bilihin.