Bagamat nanaig ang “yes” vote sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) na pinagtibay ng Kamara sa 3rd and Final reading, hindi naman patitinag ang anim na mambabatas na bumoto ng “no” sa nasabing panukala.
Anim na mambabatas ang hindi pabor na magtatag ng Maharlika Investment Fund na may kaniya-kaniyang paliwanag.
Ayon kay Camarines Sur Representative Gabriel Bordado hindi pa napapanahon na magtatag ng Maharlika Investment Fund dahil mas marami pa sanang mga programa at proyekto na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan lalo na at mataas ang inflation at tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Bordado, malaki din ang utang ng gobyerno kaya mahirap magbakasakali.
Sa panig naman ni ACT Teachers Party List Representative France Castro na maraming red flags ang ipinasang panukalang batas at mabilis na niratsada ang pagpasa ng Maharlika Investment Fund Bill.
Umalma din ang Makabayan solon sa paraan na isang briefing lamang ang ginawa ng committee on banks and financial Intermediaries para sa MIF at hindi konsultasyon ang isinagawa.
Giit ni Casto na sa kabila ng napakaraming bersiyon at ginawang pag amyenda nananatili itong punong puno ng kontrobersiya.
Punto ng teacher solon ang mandato ng Landbank at DBP ay para tulungan ang mga magsasaka at mga MSME at hindi ang mga malalaki at dayuhang kompanya.
Ang sigaw ng taong-bayan itaas ang sahod, presyo ng mga bilihin ibaba.
Sa kabilang dako, bago tuluyang maipasa ang panukalang Maharlika Investment Fund dumaan ito sa ibat ibang version at ilang mga pag-amyenda.
Nasa 280 na mga mambabatas ang nag co-author sa panukalang Maharlika Investment Fund.
Paliwanag naman ng liderato ng Kamara kung bakit overwhelming ang support ng mga congressmen ay dahil tinanggal na ang SSS at GSIS bilang source ng funding ng MIF at may sapat na safeguards para hindi mauwi sa wala ang pondong ininvest.
Gayunpaman may usap-usapan na mayruong kapalit sa mga mambabatas ang pagboto nila ng yes sa nasabing panukala.
Nakakuha kasi ng report ang Bombo Radyo na kahapon ang bigayan sa mga mambabatas na itinaon sa pagpasa sa Maharlika Investment Fund.
Pero wala ni isa sa Kamara ang nais magkumpirma nito.










