-- Advertisements --

Mas gugustuhin pa rin umano ng mga magulang na gumamit ng printed o digital modules kaysa maging online-based ang pag-aaral ng kanilang mga anak batay sa inisyal na datos mula sa enrollment survey ng Department of Education (DepEd).

Mahigit 8.8 milyong magulang ang pabor sa modular learning kumpara sa iba pang distance learning modality na inilatag ng ahensya para sa darating na school year.

3.3 milyon naman ang pumayag sa online learning habang 4 milyon naman ang sumuporta sa kombinasyon ng iba’t ibang learning modalities.

1.4 milyon lamang ang nagsabing magiging epektibo ang telebisyon sa pag-aaral at hindi pa aabot sa isang milyon ang nagsabing gusto nila ang radio-based instruction.

Ang mga nasabing datos ay kinalap ng DepEd sa pamamagitan ng isang enrollment survey form na sinagutan ng mga magulang noong kasagsagan ng enrollment period. Sa ngayon ay patuloy pang kinokolekta ang mga datos na kanilang nakuha.

Ayon sa DepEd nakadisenyo ang survey base sa profile ng bawat pamilya sa Pilipinas kung gaano na sila kahanda sa distance education na ipapatupad na sa Agosto 24.

Nilinaw ng ahensya na ang bilang ng mga sumagot sa survey ay hindi sumasalamin sa enrollemnt figures. Posible raw kasi na mas mababa ang resulta ng survey kaysa sa final enrollment count.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ang DepEd ng psychosocial support at training para sa mga guro, magulang at iba pang opisyal ng paaralan.