LEGAZPI CITY – Suspendido muna ang pagtanggap at pagpapapasok ng mga Locally Stranded Individual (LSI) sa Masbate simula Agosto 5.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDRRMO head Emerito Jhunie Castillo, batay ito sa inilabas na Executive Order ni Governor Antonio Kho na layuning matutukan muna sa ngayon ang mga LSI na nasa quarantine facility ng Masbate.
Nasa full capacity na raw kasi ang karamihan sa mga LGU quarantine facilities sa lalawigan dahil sa halos araw-araw na dating ng mga LSI kaya’t pinangagambahan nitong hindi matutupad ang social distancing.
Nilalayon ng hakbang na mabigyan ng panahon ang mga health officers, lokal na pamahalaan at Department of Health (DOH) na matutukan ang contact tracing sa mga LSI na nagpopositibo sa coronavirus disease.
Maibabalik lamang umano ang pagtanggap sa mga LSI pagdating ng Agosto 22 sa oras na matapos na ang required quarantine days ng mga naunang LSIs.










